“Who can answer my question?”
Minsan naitanong ko sa klase ko ito dahil napansin ko, habang nagsasalita ako, ay nagsasalita rin sila. At habang sabay-sabay kaming nagsasalita, umiingay ang paligid. Natatabunan ang boses ko. Ako pa naman si ayaw ng kakumpetensiya. Gusto ko pag nagsasalita ako, tumatahimik lang sila at nakikinig.
Parang magic potion, pag nagtatanong na ako ng ganoon, para silang mga synchronized dancers na sabay-sabay yuyuko. Merong iiwas ng tingin, merong uubo kunyari, merong magbubuklat kunwari ng notes, merong napapasinga kunyari, merong kumukunot ang noo, nagkakamot, nakatingin sa pinto at yung pinaka-malala yung ngingiti sa iyo na parang “puppy.” (O, yan, cute pa ang description ko niyan, ha?)
Sari-sari talaga ang mga reaction nila. Minsan di ko alam kung magagalit ako o matatawa. Hindi pa nagtatapos dun, pag tumawag ka ng pangalan at pinatayo mo para sumagot, eto pa ang banat sa iyo, “What’s the question again, Ma’am?”
Ang mga estudyante talaga, oo. Tapos pagdating ng evaluation, kung anu-ano pang comment ang isusulat patungkol sa iyo. (Note: Hindi ito patungkol sa akin in particular. Kumbaga, exaggerated examples lang ng mga komento ng mga mag-aaral sa mga teachers nila. Pero malay ko rin, baka may estudyante akong maitim ang budhi na ganyan nga ang mga comment sa akin.)
Si teacher nage-excursion ang laway. Si teacher may P and F syndrome. Si teacher mataas lagi ang BP, my golly. Si teacher kirat. Si teacher ganito, ganyan.
O, natawa kayo? Hindi ba iyan ang mga trip nila talaga?
Pero sa isang banda, minsan naiisip ko, sino ba ang hindi dumaan sa stage na ganito? Hindi ba kahit naman tayo, nung highschool at college ay marami na ring naitalang (lalim!) kalokohan?
Speaking of naitalang kalokohan, meron akong konti niyan. Susubukan kong magkwento, pwede ba?
Umpisahan natin sa itlog. Hindi yung ginagawang dambuhalang tukneneng ha? I’m talking about zero, nil, as in bokya. Alam niyo ba yung unang bes kong naka-zero sa quiz? Medyo matagal na actually, nasa Grade 2 pa lang ako nun. Division ang test namin pero hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi ng teacher kong si Mrs. Nicolas. Ang instruction niya if there’s a remainder, express it in fraction. Hindi ko ginawa ‘yun at ang malas pa lahat ng items may remainder, patay na! Ayun, isang malaking itlog ang nakuha ko na sinamahan pa ng sandamakmak na tukso mula sa katabi kong grade conscious. Kaya nung uwian, hinila ko agad ang nanay ko palayo sa mga amiga niya. Alam mo naman kung anong nangyayari pag nagkikita ang mga nanay ng mga grade school pupils, payabangan! Mulan sa baon, brand ng lapis, score sa test ng anak, pataasan yan! Eh ako, ayoko mabuking na zero ang score ko sa Math at mapahiya ang nannay ko kaya kinaladkad ko na siya pauwi sabay hagis ng testpaper ko sa damuhan. Goodbye, testpaper!
Dun siguro nag-start ang takot ko sa Mathematics. Well, hindi naman siguro takot, dun lang siguro nagsimula kung bakit tensiyonado na ako pag me nakikita akong numero maliban na nga lang kung, pera sa sobreng pampasko yung number na nakikita ko.
Nung highschool naman ako, tinawag ako ni Mrs. Pangilinan to solve a multiplication problem on the board. Ang sabi niya, show the complete solution on the board. Eh, sa sobrang kagustuhan kong ipakita lahat ng solution on the board, sandamukal na zero yung sinulat ko imbes na i-shortcut ko na lang. Nagmukha tuloy polka dots yung blackboard. Sabi tuloy ni ma’am, “Miss Cardano ano ba ‘yan, ibabalik kita sa Grade 1.” Imaginin niyo na lang hagikgik ng mga kaklase ko.
Hindi lang ‘yan ang unang bes na napag-tripan akong “ibalik” ng teacher ko kung saan. Nung freshman year ko sa highschool, nagkaroon kami ng teacher na super cute namang mambara ng estudyante. Filipino subject ‘yun at katabi ko si Joyce na bungisngis din. Eh, ako pa naman si biro, kaya ayun, hagikgik kami ng hagikgik. Napansin kami ni teacher at sinabi, “Gusto niyo bang ibalik ko kayo sa mental?” Siyempre ayokong bumalik, este, dalhin dun no so tumahimik na lang kami. Mukhang dragonda pa naman si ma’am kaya dapat talaga mag-behave.
At speaking of mag-behave, yun naman yung ginawa ko nung unang klase naming sa English nuong sophie year ko sa highschool. Nakakatakot kasi si Miss Guiao, eh. Nung bumuka ang bibig niya, sumunod agad kami sa instruction na isulat ang pangalan at section sa papel. Sa sobrang takot ko, di ko naitanong kung paano isusulat ang pangalan, kung una ba ang lastname, then firstname then middlename o mauna ba ang firstname. Ang siste, dalawang papel ang ipinasa ko. Maya-maya, tinawag na niya kami isa-isa. Bigla siyang napa-tigil at pinag-compare yung dalawang papel na hawak niya. Ang lakas ng tibok ng puso ko, nun. Inisip ko, yari, baka sabihin ni teacher “slow” ako. Ilang segundo pa sabi niya, “Miss Cardano… duling ka ba o tanga?” Sa isip ko, yung duling yata ang pinili ko. Nagpatuloy siya, “… kahit pagbali-baliktarin mo man ang mundo, hindi ganito [sinusulat] ang letter E!” Wala na akong naalala nun dahil feeling ko, the whole class was about to explode in laugther. Buti naman hindi. Bwiset kasi ang Eraserheads na iyan eh, pina-uso pa yung pagsusulat ng baliktad na letter E. Pati tuloy ako napahamak nung sinulat ko ng dalawang beses sa papel [Section] II-Tyesa! Pero at least consistent, di ba?
Pero consistent din ako sa ibang bagay pa, consistent mag-cram sa pangongopya ng notes. Ako yun tipong magsusulat ng notes kapag magche-check na ng notebook kinabukasan. Ako rin yung maraming photocopy ng mga notes ng kaklase kasi hindi naman nila pahihiramin yung actual notes nila dahil gagamitin nila yun para mag-review. Physics, English, Filipino, name it, hindi ako masipag magsulat sa mga subject na iyan. Sila rin ang dahilan kung bakit ako napupuyat bago ang exam. Eh, sa nakakatamad magsulat anong magagawa ko?
Sabagay, marami talagang nakakatamad gawin pag wala kang inaalala. Ganun pag estudyante ka. Problema mo lang, baon, quizzes tapos kung paano ka papansinin ng crush mo. Malamang sa hindi, “bahala na si Batman” ang motto ng buhay mo. That’s life, you know? Lahat tayo dumadaan sa stage na iyan. Ang kaso lang, kapag sumobra ka sa mga limitations mo o kaya naman hindi mo napunuan ang mga pagkukulang mo, dun na papasok ang mga problema at sakit na ulo na maibibigay mo sa sarili mo at sa mga taong nakapaligid sa iyo.
Pero ako, iba na ang stage ng buhay ko ngayon. Teacher na ako. At sa loob ng dawalang taon kong pagtuturo, naiisip ko, iba talaga ang tingin sa buhay ng teacher at ng mga estudyante. What’s fun for the students is sometimes childish for us. What’s big deal for them is sometimes so trivial and petty for us. Hindi ko alam kung anong klaseng gap ang tawag dun. Maturity gap siguro. (Kita mo, naka-imbento pa akong ng term?)
Pero ang hindi ko lang maintindihan, sa kabila ng pagsisikap ng isang teacher, para namang sa pakiramdam ng mga mag-aaral ay hindi sila natututo. Parang masakit yata yun para sa mga miyembro ng tinuturing na “the noblest profession in the world.” Minsan, salita ka ng salita, parang wala namang nakikinig. Wala ka ng boses, masakit na ang ulo mo at tiyan sa pagod, hahambalang pa ang mga pasaway sa klase mo, yun bang tipong nagpa-foundation na at lipstick na hindi kapa nagdi-dismiss? Mahirap maging teacher. Mahirap magturo. Heavy ang responsibility, minsan hindi na nakakatawa. Kung magpalit kaya ng pwesto ang teacher at estudyante, kahit one time lang, sino kaya ang mas mag-e-enjoy at sino ang magdudusa?
Now, who can answer my question?